Ni: Rohn Romulo
SOBRANG proud ni Alessandra de Rossi sa Through Night and Day na mula sa Viva Films at OctoArts Films.
Excited siya sa kanyang story na ipinasulat sa kaibigan niyang Noreen Capili na scriptwriter ng mga programa ng ABS-CBN.
Itinataya talaga ni Alex ang kanyang credibility para sa movie nila ni Paolo Contis na mula naman sa direksyon ni Veronica Velasco na palabas na sa November 14.
“Pag sinabi kong worth watching ito, totoo and I hope may credibility ako sa sinabi ko, pero totoo, maganda ‘tong movie,” tugon pa niya.
Ang nakakaloka pa muntik nang mamatay si Alex habang nagsho-shooting ng Through Night and Day sa kung saan kinunan sa Iceland dahil sa low body temperature o hypothermia.
“Naisip ko nu’ng time na ‘yun na, ‘My God mamamatay ako, Lord! Puwede bang paabutin mo kami sa Baguio kasi may eight shooting days pa kami doon,” pagkukuwento ng aktres.
Dagdag pa niya, “Hindi ko na kasi ma-control ‘yung katawan ko as in nagsi-shake na, hindi na mahubad ‘yung suot kong basa, tapos niyayakap lang nila ako ng kumot, tapos lahat ng body heat nila ibinibigay nila sa akin kasi feeling nila mamamatay na ako.
“Tapos hinahabol ko pa ‘yung hininga ko. Parang may gumanap talaga sa lungs ko, my God! Ganito pala ang feeling nang malapit ng ma-tegi, so ‘yun, after nu’ng nasuot ko ‘yung damit ko tapos nanginginig pa rin ako, nakalimutan ko ‘yung joke ko, e, tapos sabi nila, ‘okay she’s back.’ It almost killed me but I’m still alive.”
Kahit may nangyari na ‘di naman nila inaasahan, game pa rin si Alessandra na gumawa ng kakaibang pelikula, “Buwis buhay ako, basta walang love scene at kissing scene!”
Na ikina-react nang lahat dahil hindi pa rin pala siya comfortable ang maseselan na eksena.
May nagtanong kung paano niya iko-compare si Paolo Contis kay Empoy Marquez na komedyante rin.
“Comparison, si Empoy very conservative, si Paolo, ‘Paolo naman, ‘yung mga lumalabas sa bibig mo!’ Iba talaga ‘yung humor niya. Nakakatawa siya pag ibang tao ang nagsabi no’n, baka ma-offend ka but since si Paolo ‘yun, ‘nakakatawa ka, buti na lang hindi ako nababastos.’
“Ganu’n siya talaga, ganu’n ang humor niya, hindi ako napipikon kasi alam kong joke lang, hindi naman siya bastos na tao talaga. Ako rin kaya kung mag-joke ng bastos minsan, pero kailangang kilalang-kilala ng mga tao ‘yung heart and soul ko bago ako mag-joke ng ganu’n, just for laughs, ganu’n,” kwento pa ni Alex.