BY: Rose Garcia
ILANG ulit na naming pinakinggan ang bagong single ni Yeng Constantino, ang “Dasal.”
Isa sa para sa amin na napakahusay na songwriter sa ngayon si Yeng. At tagos naman nga ang kanta sa panahon ngayon ng pandemic. Ang kanta raw na ito ay para magsilbing inspirasyon ngayon sa gitna ng COVID-19 na nararanasan ng lahat. Na sa mga makaririnig ay posibleng mapagaan daw ang nararamdaman at maalala na nandiyan lang palagi ang Panginoon.
Sabi nga niya sa naging Instagram post niya tungkol sa kantang “Dasal”, “May mga tanong tayo na minsan mahirap talagang masagot. Pero maniwala ka na sa kabila ng pakiramdam mong wala ka nang makakapitan nandun Siya sa tabi mo at niyayakap ka,”
Ang orihinal na bersyon ng “Dasal” ay kasama sa album na Synesthesia ni Yeng sa ilalim ng Star Music, at maaaring iugnay sa Bible verse na Isaiah 41:10 (NIV), na nagsasabing, “So do not fear, for I am with you; do not be dismayed, for I am your God. I will strengthen you and help you; I will uphold you with my righteous right hand.”
Samantala, inilabas na rin ang music video ng “Dasal” na gamit ang orihinal na bersyon ng kanta.
“Matagal na po namin na-shoot yung video nun pero sobrang napapanahon po ngayon ang mensahe. Sa mga nalulungkot na dyan dahil sa nangyayari satin ngayon yakaaap mula sa’kin sa pamamagitan ng isang kanta. Kaya natin to,” sabi ni Yeng.
Nagpasalamat naman si Yeng sa mga nagme-message sa kanya at nae-encourage dahil sa kanta niya. Sey niya sa mga ito, “Happy na nae-encourage ka.”