BY: Rose Garcia
NAMI-MISS ng Kapuso star na si Rhian Ramos ang nanay at kapatid niya ngayong naka-mecg (modified enhanced community quarantine) pa rin dahil nakahiwalay siya sa mga ito.
Kasama niya sa condo ang boyfriend. Pero, malaking bagay para kay Rhian na bago nangyari ang COVID-19, naranasan niyang mamuhay na mag-isa sa New York at doon daw siya natutong maging independent.
Kung siguro raw, hindi niya yun nagawa, posibleng mahihirapan siyang mag-cope-up sa situwasyon ngayon.
Nakahanda si Rhian sakali’t kailangan na niyang magbalik taping dahil isa siya sa may primetime series na natigil pansamantala, ang Love of My Life. Pero tahasan nitong sinabi na no kissing scene dahil nga sa danger na dala ng pandemic.
Pero kung may ikinatuwa si Rhian, yung napapanood ngayon after ten years ang itinuturing niyang isa sa espesyal na teleseryeng nagawa niya, taong 2009 pa, ang Pinoy adaptation ng Korean drama na Stairway to Heaven.
Ayon kay Rhian, Isa siya sa favorite soaps na nagawa ko sa buong buhay ko. For a while, hindi ko na siya naiisip masyado. Pero nang mapanood ko recently yung Crash Landing On You, ang dami niya kasing reference sa Stairway… na naiisip ko na siya.
“May isa kasing character sa Crash Landing na adik sa koreanovela at nanonood ng Stairway. So ako, ako yun, ako yun, e. So, natuwa ako. And at least, malalaman na ng young audience kung ano ba ang kuwento sa soap opera na binabanggit sa Crash Landing…”
Pero sey niya rin, “Ninerbiyos din ako dahil 2009 pa yun. Ano kaya yung mga make-up at damit. Ha ha ha! At saka, favorite ito ng mommy ko, masaya ako na mapapanood naming muli.”
Simula nga noong Lunes, napapanood sa GMA-7 ang Stairway to Heaven kunsaan ay naging magkatambal sila ni Dingdong Dantes pagkatapos ng Ika-6 na Utos.