BY: Ricky L. Calderon
HINIHIMOK daw ng isang party list si Superstar Nora Aunor na kumandidatong senador sa halalan 2022.
May lumabas na balita na tatakbo raw senador ang multi-awarded actress at People’s National Artist kaya may tinanong kami na isang malapit kay Ate Guy kung totoo ito.
Ayon sa aming nakausap, may isang party list raw na lumapit sa actress para kumbinsihin na tumakbong senador.
Pero hindi raw totoo na sumagot na si Ate Guy sa offer. Pinag-iisipan muna raw ng aktres kung papayag siya sa alok na muling pumalaot sa politics.
Years back ay tumakbong vice governor si Ate Guy sa probinsiya kung saan siya’y isinilang. Sad to say, hindi nagwagi ang aktres.
Iba naman ang panahon ngayon at iba noon pero tama naman ang desisyon ni Ate Guy na pag-isipan muna kung dapat ba niyang patulan ang alok ng party list.
Pero natutuwa kami dahil may comment si Ate Guy sa issue ng Anti-Terrorism Act na isinusulong para maging batas.
Marami na ang nag-comment na hindi ito dapat pumasa dahil may mga panukala sa nasabing batas na labag sa karapatang pantao (human rights).
“Sa panahon ngayon na sobrang paghihirap ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan na marami ang nagkakasakit, nawawalan ng trabaho at walang makain ay sana huwag muna madalin ang pagpapasa ng anti-terrorism bill. Magandang mapag-aralan muna itong mabuti para masiguradong hindi nga ito lalabag sa mga karapatang pantao ng mamayang Pilipino,” pahayag ni Ate Guy nang hingan ng komento tungkol sa anti-terrorism bill.
Saludo kami kay Ate Guy sa pagiging mulat niya sa mga issue sa lipunan na posibleng makaapekto sa mga mamamayang Pilipino.